"Lumaban ka!"
"H-hindi ko na k-kaya..."
"Kayanin mo! Kung hindi ay mamamatay tayo rito!"
Pagod na sila sa kakatakbo. Halos dalawang oras na silang tumatakbo sa napakalawak na gubat na iyon.
"Bilisan mo!"
Sigaw niya sa kasama. Kumpara sa kanya ay maukhang bibigay na ito anumang oras. Ngunit hindi pwede...
Hindi pwede...
Mamamatay sila.
Sinalubong niya ito at hinawakan sa kamay.
Hinihila niya ito habang tumatakbo.
Mabilis.
Parang walang katapusang kagubatan ang tinatakbuhan nila.
Mabigat.
Hindi nila kakayaning makalayo ng tuluyan kung may hila-hila siya.
Lumingon siya.
Kasing-dilim ng langit ang paligid.
Hindi niya matanaw ang pinanggalingan.
Ngunit ang mga yabag...
Naririnig niya ang mga yabag.
Mabibigat.
Mabibilis.
Wala siyang maaninag sa kung sino ang humahabol sa kanila.
Tiningnan niya ang kasama.
Hawak niya ang kamay nito.
Mahigpit.
Masyadong mahigpit.
Para sa isang kamay.
Napahinto siya.
Nasaan ang kasama niya?
Bakit kamay na lang nito ang hawak-hawak niya?
Tiningnan niya ang paligid.
Madilim pa rin.
Kasing-dilim ng langit.
Ang mga yabag ay naroroon pa rin.
Malapit lang.
Malapit na malapit lang.
Tiningnan niyang muli ang kamay.
Hindi siya natatakot dito.
Bakit?
Bakit 'di siya natatakot dito?
Kanina lang ay natatakot siya.
Takot na takot.
Natigilan siya.
Sino ang kasama niya?
Hindi niya matandaan.
Sino ang kasama niya?
Bakit hindi niya maalala ang hitsura?
Sino ang kasama niya?
Sino ang tinatakbuhan niya?
Bakit siya natatakot?
Bakit siya tumatakbo?
Kanino ang mga yabag?
Kanino ang kamay na hawak niya?
Nagsimula siyang humakbang pasulong.
Hawak pa rin ang kamay.
Isang hakbang.
Isa pa ulit na hakbang.
At isa pa.
Isa pa.
Dahan-dahan.
Pinakikiramdaman ang paligid.
Nakikita niya ng husto ang paligid.
Naalala niya.
Ganoon ba talaga ang hitsura ng gubat?
Maliwanag?
Lumingon siya ulit.
May naaaninag siya.
Nakatayo.
Nakatalikod.
May hawak na kamay.
Hindi niya maaninag ang hitsura.
Nagpatuloy siya sa paglalakad.
Unti-unti.
Napatingin siya sa kamay na hawak.
Wala na ito.
Napangiti siya.
Alam niya kung bakit.
Humakbang siya ulit.
Walang pagmamadali.
"Lumaban ka!"
"H-hindi ko na k-kaya..."
"Kayanin mo! Kung hindi ay mamamatay tayo rito!"
Sigaw na nagpatigil sa kanya.
Lumingon siya.
Nakita niya ang mga ito. Parang may humahabol sa mga ito. Parang mamamatay ang mga ito kapag inabutan ng kung sino man ang tinatakbuhan.
Inilibot niya ng paligid.
Nakita niya ang humahabol sa mga ito.
Napangiti siya.
Nagpatuloy sa paglalakad.
Pasulong.
Alam na niya kung bakit.
Tumingala siya.
Umaga na.
Masarap maglakad sa umaga.